(From Boundary The Questions)
Makalipas ang ilang araw ay dumating nga ang oras na hinihintay ko.
Bumalik si Karen, akala ko ay kasama niya na si Sophie. Sinabi sa akin ni Karen na susunod na lang daw sila mama at Sophie. Kinausap daw muna ni mama si Sophie.
Hindi nagtagal ay dumating din sila. Halong kaba at tuwa ang aking naramdaman.
Nakaratay ako sa aking kama. Nakita ko siya na pumasok. Ang mga luha sa kanyang mga mata ay namumuo. Tinignan ko siya sa kanyang mga mata, at sa aking pagtingin sa kanya ay pumatak ang kanyang mga luha. Nagsalita ako ng malumanay,
"Sophie. Naaalala mo pa ba nung tinanong kita kung ayos lang ba sa'yo kung masasaktan ka?"
Hindi siya sumagot. Iniiwas niya ang tingin sa akin.
"Sumagot ka, sabi mo ayaw mong masaktan." pinigilan ko ang pagpatak ng aking mga luha sa pagpapatuloy ko sa pagsasalita.
"Ayaw kitang masaktan, kaya hindi ko sinabi sa'yo. Ayaw kitang masaktan kaya hindi ko hinayaan na mahalin mo ako. Ayaw kitang masaktan dahil mahal kita." Hindi ko na napigilan at pumatak na ang aking mga luha, lumapit siya sa akin at niyakap niya ako ng mahigpit.
"Ikaw lang ang inaantay ko, Sophie! Mahal na mahal kita pero alam ko na hanggang dito lang itong nararamdaman ko." Patuloy ko.
Sumagot siya at nagpaliwanag,
"Alam kong mas nahihirapan ka. Naiintidihan ko kung bakit hindi mo sinabi sa akin. Huwag kang mag-alala at tanggap ko na. Mas naiintindihan na kita ngayon."
Mahigpit na yakap ang tanging naisagot ko sa kanya.
Maya-maya ay nagpaalam na din siya, ngunit bago siya umalis ay isang sulat ang iniabot niya sa akin.
"Mag-iingat ka lagi, Sophie!" sabi ko sa kanyang pagtalikod sa akin.
Lumingon siya, "Sophia! Jhed!" ang pabiro niyang sabi. Naghiwalay kami na may mga ngiti sa aming mga mata.
Click here for:

No comments:
Post a Comment