Hindi ba napapagod ang mga nakatayong poste sa daan? Ano ang mangyayari kapag napagod sila at umupo? Tatawagin parin ba silang poste o baka mabansagan na silang mga tamad na poste? Ano sa palagay mo?
Ako? Hindi mapalagay. Kasi pakiramdam ko ang mga poste ay napapagod din, nahihiya nga lang sila umupo. Baka kasi sabihan natin sila na, " 'Yan na nga lang ang ginagawa niyo, ANG TUMAYO, magrereklamo pa kayo! " Pero, tayo nga pagsasakay ng MRT ay nakikipag-unahan sa mga kapwa pasahero kasi ayaw tumayo. Mahirap kaya tumayo tapos walang hawakan 'di ba? D'yan naman ako bilib sa mga poste. Nakakatayo sila sa sarili nila, hindi na nila kailangan dumepende sa iba, basta matibay ang sarili nilang pundasyon mananatili silang nakatayo, kahit ilang malalakas na bagyo ang dumaan. Minsan nga sa kanila pa dumedepende ang tao: Kadalasan mga pulitiko. Kapag eleksyon, awang-awa ako sa kanila, kasi kung anu-ano ang idinidikit sa kanila, mga tinatali at sinasabit, ang pinakamasaklap sa lahat ay minsan ay pinapako at ini-istapler sa kanila ang mukha ng mga kandidato. Hindi ba nila naisip na baka nasasaktan ang poste? Subukan kaya nila ipako sa mga mukha nila yung mga fliers, ano kaya ang mararamdaman nila?
Minsan ang mga taong may maliliit na negosyo. Ginagawa nilang "free ad post" ang mga poste. Tama nga naman. Ang mga negosyanteng ito ay praktikal. Walang buwanang bayad ang pagdidikit sa poste ng, "House for Rent, Wanted: Sales Lady, Now Open: Aling Kwan Carinderia at Posonegro na may kasama pang contact number." Makakatipid nga naman sila.
Mga Ordinaryong Tao at mga hayop, (kadalasan mga aso) sa tabi-tabi. Kapag hindi na talaga kaya at wala ng choice, Hala! Poste ang pagdidiskitahan. Kawawa naman ang posteng walang kamalay-malay, iniihian ng mga taong hindi makahanap ng tamang lugar. Para ngang mga aso, kulang na lang ay itaas ang isang paa habang umiihi.
Sa kabila nito, dapat magpasalamat tayo sa kanila, pero hindi e, may mga tao din na galit pa sa mga poste.
Lasing na Driver. Oo! Isa lang naman ang choice ng mga driver kapag lasing silang nagmaneho at nawala sa kontrol. Sa poste! Sa poste ibabangga ang sasakyan, sabay takbo (para sa driver ng mga pampublikong sasakyan) o 'di kaya ay mananatili na lang sa kinauupuan (para sa mga driver na mayayaman o 'di kaya ay nagulat at saka palang bumalik ang ulirat sa katinuan.)
Magnanakaw ng kable ng Meralco. Sila 'yung mga tao na galit na galit sa poste. Gusto mong malaman kung bakit? Kasi, pinapahirapan ang buhay nila nito, kung wala nga namang poste ay abot kamay nila ang mga kable, at kapag nahuli ay mabilis na makakatakbo. Nang dahil sa poste kailangan pa nilang umakyat, at kapag nahuli ay kailangan pa nilang mag-isip, kung tatalon mula sa tuktok ng poste at mamamatay o 'di kaya ay mananatili sa tuktok at aantayin na dumugin ng taong bayan at dalhin sa kulungan. Nahihirapan silang mag-isip kung ano ang mas ligtas.
Hay... tao nga naman. Nanahimik sa kanyang kinatatayuan si Kaibigang Etsop at kung anu-ano ang ginagawa natin sa kanya. Wala man lang bang isa sa atin ang maglalakas ng loob at kausapin si Kaibigang Etsop kung okay lang ba siya? Paano kapag naglalakad tayo sa daan ay bigla na lang siyang tumumba at madaganan ka? Magagalit ka kaya? Malamang. Kahit ako, oo! Masakit 'ata madaganan ng poste tapos pagkakaguluhan ka ng mga tao sa gitna ng daan at sasabihan kang tatanga-tanga kasi hindi mo iniwasan ang poste! 'Kaw ng nasaktan, 'kaw pa lalaitin. AYOKONG MANGYARI sa'kin yun. Kaya ngayon, lalabas ako, at kakausapin ko ang poste sa tapat ng aming bahay, tatanungin ko kung okay lang ba siya... ..
at sana sumagot siya.....
Pahabol,
Sabi ng kanta:
"Ayoko ng nakaupo, subukan niyo namang tumayo, at baka matanaw, at baka matanaw ninyo ang tunay na kalagayan ko."
Napaisip ako, ang poste sa tapat ng aming bahay ay matagal ng nakatayo dito. Ibig sabihin sa tagal ng tinayo niya dito ay alam niya ang tunay na kalagayan ko. Kailangan ko na talagang makausap si Kaibigang Etsop.
Baka may sequel ito. Hindi ako sigurado. Kapag kinausap ako ng poste namin, malamang meron 'tong kasunod.
-WAKAS-
nga ba?
____________________________________
on
01.11.11
"Basta ang alam ko, mahal ko siya sa gusto kong paraan at mahal niya ko sa paraang ayon sa kanya."
"Ang Kuwento ni Alex Andra"
_____________________________________________________________
If you can't leave a comment here, Just click the link below. You can also join the group, by simply hitting the JOIN GROUP tab at the left side of the homepage, below the members box.
Curious, why is it "Walang Pamagat?" Click this.


No comments:
Post a Comment