Para sa mga taong walang-wala, sa mga taong walang kwenta, sa mga taong wala lang, sa mga taong na wala na,sa mga taong walang takot, walang magawa, walang utang na loob,walaaaaa! Sa madaling salita "Walang Pamagat" walang posisyon, walang trabaho, walang pera, walang K! hehehe wala lahat!Meron k ba? Aq wala hahahaha!

Thursday, January 13, 2011

A Secret of a Young Writer

‎"The story is beautiful my dear specially the last part which makes me really teary eyed...with matching sipon and ubo nyahah! as they say.. *truth hurts but it'll set you free*"
Comment from:


A Secret of a Young Writer: Teaser


May isang bata akong nakasalubong sa daan, lumapit siya sa 'kin at nagtanong.
"Sabi po ng lola ko, 'pag nalaman ko daw na hindi ko nanay ang nanay ko ngayon ay 'wag daw ako magagalit. Dapat daw akong magpasalamat sa kanya."

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko para sa bata. Nakakalungkot at sa mura niyang edad, ay minumulat na siya ng matatanda sa katotohanan. Hinahanda ang kanyang murang isipan at puso na tanggapin ang katotohan. Bakit ba kasi nauso ang pakiramdam? Kung wala ito malamang mas masaya tayong lahat. Walang batang nalilito. Walang nasasaktan. Lahat ay pantay-pantay lang.

Habang naglalakad ako, ay may nakasalubong ako, bagong-bago siya sa aking paningin sa aming lugar. Ang lahat ng tao sa aming barrio sa probinsya ay magkakakilala, at alam namin ang istorya ng buhay ng bawat isa. Hindi ko napigilan ang sarili na tanungin siya...

"Ading, Anya ti nagan mo?
(Ilokanong salita ng ano ang pangalan mo?)

Sumagot siya at sinabi ang pangalan. Nag-isip ako, pamilyar kasi. At naalala ko kung sino siya.

"Ah, sika dyay ampon ni Ante!"
(Ah, ikaw 'yung ampon ni Ate.)
Ang sabi ko.

Kitang-kita ko sa mukha niya ang reaksyon ng pagkagulat. Hindi siya nagsalita, at bigla siyang dumeretso ng lakad. Hindi ko alam kung ano na ang nangyari. Wala naman akong sinabing masama. Lahat naman ng tao sa barrio ay alam 'yun. Imposibleng hindi niya alam.

Pero naisip ko, minsan ang pagsasabi ng katotohanan ay dapat may tyempo at pinaghahandaan. HIndi lahat ng katotohanan ay masaya. Hindi lahat madaling tanggapin, at higit sa lahat may katotohanang mas mabuting manatiling lihim.

Kinabukasan, muli ko siyang nakita habang nag-aantay ng tricycle sa may waiting shed sa kanto ng aming eskwelahan. Nakaupo siya sa isang tabi at walang kasama, gusto ko siyang lapitan para humingi ng paumanhin, pero sa paglapit ko ay may mamang tumabi sa kanya at  siya'y tinanong. Naupo na lang ako sa tabi ng mama, at narinig ko ang kanilang usapan.

"Ading, 'di ba sika dyay anak ni ante nga aggigyan id dyay?"
('Di ba ikaw yung anak ni ate, na nakatira sa barrio dun?)
Tanong ng mama.

"Wan, Manong." 
(Opo, kuya.)
Sagot niya.

"Alam mo ba na ang nanay mo ngayon e, hindi mo talaga nanay?"
Sabi ng mama.

Gusto kong tumayo sa aking kinauupuan at sagasaan ng tricycle ang mamang ito na walang preno ang bibig. Parang isang kaswal na tanong lang sa kanya iyon.

"Hindi po, nanay ko po 'yon. Wala ng iba."
ang sabi niya.

Damang-dama ko ang kanyang nararamdaman, dahil sa pagbigkas niya ng mga salitang iyon, ay nauutal at namumuo ang mga luha sa mata. Wala siyang nagawa kundi pigilan ito, at ipakita sa mama na wala lang iyon. Maya-maya ay umalis din siya.

Bakit may mga ganitong taong nabubuhay sa mundo? Bakit kailangan nilang paglaruan at panghimasukan ang damdamin ng iba? Bakit kailangan tanungin ang mga bagay na alam na ang kasagutan?

Hindi nagtagal ay kumalat ang balita sa kanyang pagkatao. Ano ba ang pakialam ng ibang tao kung hindi siya anak ng mga magulang nito? May masama ba sa pag-aampon ng isang bata na sinagip mo sa kahirapan o sinagip sa pagkawala sa mundong ito? Bakit kailangan mangialam at pag-usapan ng mga tao ang buhay ng iba? Ikauunlad ba ito ng dignidad ng kanilang pagkatao, o baka naman ikadadagdag ng kaalaman ng utak nilang tulog?

Isang gabi, nagpunta ako sa bahay ng aking mga kaklase, doon kami natulog dahil kailangan naming tapusin ang mga props sa aming sayaw. Habang gumagawa ay nagkasiyahan kami, kwentuhan ng kung ano-ano, kain dito, kain doon. Maya-maya, ay medyo tumahimik nadin, mag-aalos dos na kasi ng madaling araw. Malamang inaantok na yung iba at nauubusan na ng energy. Habang nagpipintura ay tinanong ako ng klasmate ko:

"May itatanong kami sa'yo? Pero h'wag ka magagalit?"
ang sabi niya.

Sumagot ako,
"Ano 'yon?"

Nagbulungan sila at nagturuan, may nagsabing ikaw na lang, natatakot ako. Hindi ikaw na lang. Hindi si ano na lang. Kitang-kita ko sa kanila na hindi nila alam kung paano ako tatanungin. Iba ang naramdaman ko ng oras na iyon. Dinig na dinig ko ang kabog ng aking dibdib. Parang natutunugan ko ang kanilang gustong itanong... Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa.

"Ano ba kasi yon? Tanungin niyo na, hindi ako magagalit." 
Ngumiti ako, pero nanatili silang nakatahimik. Nagdesisyon ako at nagsalita..

"... ano ba 'yon, na kung totoo ang kumakalat na balita na ampon ako?
Na hindi ako anak ng nanay ko? 'Yun ba?"

Ang dibdib ko ay punong-puno ng bagay na hindi ko alam na kung saan nanggaling. Parang mga usok at hangin na matagal ng nakatago na handa ng kumawala. Ang sakit para sa akin, na sabihin iyon, ngunit ang sarap sa pakiramdam na mailabas ang mga salitang iyon. Tumulo ang mga luha sa aking mga mata. Naalala ko ang sinabi sa 'kin ng lola nung bata ako. Ang tinanong ng mamang nakasalubong ko habang papasok sa eskwelahan at ang sinabi ng mama habang nag-aabang ako ng tricycle. Ang lahat ay animo'y napakalakas na hangin na humahampas sa aking katawan. Ramdam na ramdam ko ang sakit na ang lahat ng taong nakapaligid sa'yo ay alam kung ano ka. Wala kang kamuwang-muwang sa mga bagay. Ang pinakamasakit sa lahat ay malaman ang katotohanang ito sa ibang tao, at hindi sa sarili mong mga magulang. Hindi ko na alam kung ano ang nangyari matapos 'yon, pero alam ko na natapos ang gabing iyon na nabawasan ang bigat sa aking dibdib. Ang mga kaibigan ko ay tinulungan akong tanggapin ito ng maluwag sa kalooban. Isa na atang pinakamasarap na pakiramdam sa mundong ito ay ang pag-iyak ng sobra habang may humahawak sa iyong likuran at dinadampi ito. Ng mga oras na naramdaman ko 'yun, animoy lahat ng bigat ng aking dibdib ay lumabas sa pag-iyak.

Lumipas ang maraming taon, at natanggap ko ang katotohan. Hanggang ngayon ay hindi parin sinsabi ng aking mga magulang ang katotohanan sa akin. Ang lahat ay nananatiling lihim parin sa kanila. Sapat na, na alam ko sa sarili ko ito. Hindi ko na kailangan pang malaman at sabihin iyon ng aking mga magulang, dahil hindi naman nila pinaramdam sa akin na hindi ako sa kanila. Tinuring nila akong tunay na anak, at wala na akong ibang kikilalanin pang mga magulang kundi sila. Wala ng iba pa.

***(Kumatok ang nanay ko at binigyan ako ng buko juice. Niyakap ko siya at sinabihan ng I Love You. Nagulat siya at niyakap din ako ng mahigpit.)



Previous Blogs:





No comments:

Post a Comment